High School Buwan ng Wika Celebration 2021 - Immaculate Conception Academy
Sa kabila man ng pandemya at pagkakaroon ng Online Distance Learning Set-up, hindi ito naging hadlang upang ipagdiwang ang selebrasyon ng Buwan ng Wika sa paaralan. Nagkaroon ng iba’t ibang serye ng mga gawain noong Agosto 2021. Itinampok ang halaga at kontribusyon ng wikang Filipino sa pagbuo ng mga kaalamang patuloy na lumilinang sa mga ICAn.
high school, buwan ng wika 2021
20647
post-template-default,single,single-post,postid-20647,single-format-standard,ajax_fade,page_not_loaded,,qode-title-hidden,qode-theme-ver-12.1,qode-theme-bridge,wpb-js-composer js-comp-ver-6.7.0,vc_responsive

High School Buwan ng Wika Celebration 2021

Spread the love

Pag-aalab ng Wikang Filipino sa Puso ng mga Pilipino

ni Bb. Reca May Martinez

Hindi magiging wikang pambansa kailanman ang Kastila, dahil hindi ito sasalitain ng mga tao. Ang wikang iyan ay hindi makapagpapahayag kailanman ng kanilang iniisip at saloobin. Ang bawat tao ay may sariling paraan ng pagsasalita na tulad ng pagkakaroon nila ng sariling damdamin,” pahayag ni Simoun mula sa aklat na El Filibusterismo.

Ipinagdiriwang sa buong bansa ang Buwan ng Wika tuwing Agosto bilang pagsunod sa Proklamasyon Blg. 1041 ni dating pangulong Fidel V. Ramos. Kasabay nito, inilunsad ng Immaculate Conception Academy-Greenhills ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2021 na may temang “Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino”.

Ang temang ito ay nangangahulugan ng pagsasadambana sa dignidad ng mga katutubong wika at sa kultura ng mga komunidad na nagmamay-ari nitó. Ang wika at kultura ay nakabuhol sa isa’t isa at hindi mapaghíhiwaláy kailanman.

Ano naman ang ibig sabihin ng dekolonisasyon dito?

Ang dekolonisasyon ay pagwawaksi ng pagtatangi o deskriminasyong pangwika at pangkultura sa bansa. Isinisigaw nitó ang katotohanang ang mga karunungang-bayan at porma ng sining sa bawat sulok ng kapuluan ay karapat-dapat sa respeto, pagkilála, at pagtangkilik na ibinibigay ng madla sa kulturang popular.

Hindi natin dapat hayaang mawala ang wikang Filipino at ang ating mga wikang katutubo! Huwag nating paiiralin ang pagkutya o paghamak sa ating kapuwa nang dahil lámang sa ating pangkultura at pangwikang pagkakaiba!

Maliban sa paliwanag ng tema ng Buwan ng Wika, makikita rin natin ang mga simbolong nakaguhit sa poster.

Ang bangkâ sa kabuoan ay representasyon ng ating Austronesian heritage. Itinatanghal nitó ang perspektiba na ang yaman ng ating lahi ay nása mga wika ng bansa na dalá ng lahing Austronesian na nanirahan sa ibá’t ibáng panig ng kapuluan iláng libong taón na ang nakalilipas. Anupa’t ang bangkâ ay isang neutral na simbolo ng ating pagka-Pilipino—mapa- Kristiyano, Muslim, o Katutubo.

Ang alon na binubuo ng pangalan ng mga wikang umiiral sa kapuluan ay paalala na iisa lámang ang pinagmulan ng mga wika sa bansa. Itinatagubilin nitó na ibá-ibá man ang ating mga wika, bahagi táyo ng iisang dagat.

Sa kabila man ng pandemya at pagkakaroon ng Online Distance Learning Set-up, hindi ito naging hadlang upang ipagdiwang ang selebrasyon ng Buwan ng Wika sa paaralan. Nagkaroon ng iba’t ibang serye ng mga gawain noong Agosto 2021. Itinampok ang halaga at kontribusyon ng wikang Filipino sa pagbuo ng mga kaalamang patuloy na lumilinang sa mga ICAn. Narito ang mga gawaing inilunsad ng Kagawaran ng Filipino sa hayskul:

Pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa Wikang Filipino

Bilang opisyal na pagbubukas ng selebrasyon ng Buwan ng Wika 2021, inanyayahan ang buong Departamento ng Hayskul na makilahok sa misa noong ika-6 ng Agosto 2021 (Biyernes) sa ganap na ika-11 ng umaga hanggang ika-12 ng hapon. Naisakatuparan ang misang ito sa pamamagitan ng Zoom live streaming na kinunan sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao na pinamunuan ni Rev. Fr. Rymond Ratilla, SSJV. Inilakip din sa misang ito ang pagninilay sa iba’t ibang tema tulad ng Gifted to Give, TEd JEEPGY – Justice and Peace, ang ika-85 taong pagkakatatag sa ICA at ang selebrasyon ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.

Promotional Video ng Kagawaran ng Filipino sa Hayskul

Nagsagawa ng isang promotional video ang Kagawaran ng Filipino na naglalaman ng mga impormatibong detalye tungkol sa introduksyon ng tema at kahulugan ng poster ng Buwan ng Wikang Pambansa 2021 gayundin ang mga gawaing inaasahan para sa buong buwan ng Agosto. Ipinalabas ang video na ito pagkatapos ng misa noong ika-6 ng Agosto 2021. Para sa link ng promotional video:

https://drive.google.com/file/d/1WdMLCGicrz92LbYZMNu5_zbp8oBVhP9t/view?usp=sharing

Gawain na pinangunahan ng mga Guro sa Hayskul: Tunog OPM sa buong Buwan ng Agosto at Virtual Zoom Background

Hinikayat ang lahat ng mga guro sa hayskul na gamitin ang Virtual Zoom Background sa pagtuturo at magpatugtog ng mga awiting Pilipino sa tuwing transfer time. Narito ang Wakelet link kung saan matatagpuan ang mga pagpipiliang awitin: https://wke.lt/w/s/Ul0uA3

Narito naman ang Virtual Zoom Background para sa mga guro:

Filipino Ko, Nagagamit Ko: Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 

Noong ika-26 ng Agosto 2021, ipinagdiwang naman ng Departamento ng Hayskul ang programa para sa Buwan ng Wika sa pamamagitan ng MS Teams at Zoom live streaming sa ganap na ika-10:40 ng umaga hanggang ika-12:20 ng hapon.

Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong taon, binigyan ng pagkakataon ang mga piling ICAn na ipakilala ang kanilang mga adbokasiya. Naglathala ang mga piling ICAn ng maikling video presentation na nagpapakilala ng kanilang sarili at ng kani-kanilang mga adbokasiya sa loob at labas ng ICA.

Narito ang mga adbokasiyang ibinahagi sa mga mag-aaral:

  • “Pamasko sa Bansa” ni Sophia Erica D. Chua ng 10-Meekness
  • “Misyon Landas” ni Stellina Cherise C. Sy ng 12-Hope
  • “Easel” ni Juliana Robyn L. Montano ng 10-Meekness
  • “Pinsel” nina Gianne Anastacia C. Cantong at Sophia Chloe B. Chua ng 10-Meekness
  • “Habilin” ni Keona Noelle C. Wu ng Batch 2020
  • “Girls Got Game” ni Krizanne Ty ng Batch 2006
  • “TOFU Creatives” ni Desiree Llanos Dee ng Batch 2006
  • “Likhang Puso” ni Margaret Megan Lim ng Batch 2020
  • “Teach Peace Build Peace Movement” ni Samantha Lumang ng Batch 2017
  • “The Heart at Play Foundation” nina Therese Rivera ng Batch 2009 at Patricia Rivera ng Batch 2014
  • “Hand & Heart” ni Elyse Go ng Batch 1998

Nagkaroon din ng mga panayam sa iba pang piling ICAn kung paano nila isinasabuhay ang wikang Filipino sa kasalukuyan bilang mag-aaral sa unibersidad at bilang mga nasa kaniya-kaniyang karerang tinatahak.

Hinati ang mga panayam sa bawat baitang (G7 at G8; G9 at G10; G11 at G12). Para sa baitang 7 at 8 ay sina Bb. Patricia Kimberly Chua at Bb. Relyn Tan ang kinapanayam. Samantalang sa baitang 9 at 10 ay sina Bb. Julia Ongchoco at Bb. Joan Ongchoco, at sa baitang 11 at 12 naman ay sina Bb. Gretchen Ho at Mayor Joelle Panganiban.

Itinampok sa mga panayam na ito na mabigyang-inspirasyon ang kanilang mga kapwa ICAn na pahalagahan at gamitin ang wikang Filipino anuman ang kanilang tatahaking landas, sa loob man o labas ng bansa o magkaroon man ng sariling propesyon. Magaganda ang mga aral na iniwan ng bawat tagapagsalita sa kanilang kapwa ICAn na hinangaan naman ng mga mag-aaral.

Narito ang larawan ng mga panauhing tagapagsalita sa panayam:

 

Marami man ang naging pagsubok dulot ng pandemya, hindi huminto ang ICA na ipagdiwang pa rin ang Buwan ng Wika bilang pagbibigay-pugay sa pag-aalab ng wikang Filipino sa puso ng mga Pilipino katulad ng ilang mga ICAn na siya ngayong nagbibigay-aral at inspirasyon sa kapwa. Gayundin, sa pamamagitan nito ay masasabing buhay na buhay ang misyon ng ICA sa hangaring hubugin ang kanyang mga mag-aaral sa isang makabuluhang pagkatao na nakaugat sa tunay at tapat na pananampalataya, kahusayan at paglilingkod.

Tunay ngang hindi nabigo si Dr. Jose Rizal sa kanyang pangarap sa bayan na kahit kailanman ay huwag ituturing na wikang pambansa ang mga wikang dayuhan. Hangga’t niyayakap at ipinagmamalaki natin ang wikang Filipino at tayo ay Pilipino mananatiling buhay ang ating Inang Bayan at ang ating sariling pagkakakilanlan.

Taos-pusong nagpapasalamat ang kagawaran ng Filipino sa hayskul sa ibinigay na oportunidad at suporta ng buong paaralan na ipagdiwang ang Buwan ng Wika sa taong ito. Mabuhay ang wikang Filipino at ang mga katutubong wika!

Sanggunian

Aklat:

Marasigan, E. et. al. (2020). Ikalawang Edisyon Pinagyamang Pluma 10. Quezon City:

       Phoenix Publishing House, Inc.

Elektronikong sanggunian:

Komisyon sa Wikang Filipino. (2021, Hulyo 16). Filipino at mga Katutubong Wika sa

       Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino. Nakuha noong Hulyo 23, 2021, sa

https://kwf.gov.ph/filipino-at-mga-katutubong-wika-sa-dekolonisasyon-ng-pag-

iisip-ng-mga-pilipino/

Official Gazette. (2010, Hulyo 26). Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997. Nakuha noong

Agosto 31, 2021, sa https://www.officialgazette.gov.ph/1997/07/15/

proklamasyon-blg-1041-s-1997-2/

No Comments

Post A Comment

Call Now Button