Grade School Buwan ng Wika Celebration 2021 - Immaculate Conception Academy
Ang pandemyang nararanasan sa kasalukuyan ay hindi naging balakid upang hindi ipagdiwang ang Buwan ng Wika. Bilang pakikiisa sa pagdiriwang na ito, ang Kagawaran ng Filipino sa Mababang Paaralan ng Immaculate Conception Academy ay naghanda ng mga birtuwal na gawain at programa.
grade school, buwan ng wika, august 2021
20605
post-template-default,single,single-post,postid-20605,single-format-standard,ajax_fade,page_not_loaded,,qode-title-hidden,qode-theme-ver-12.1,qode-theme-bridge,wpb-js-composer js-comp-ver-6.7.0,vc_responsive

Grade School Buwan ng Wika Celebration 2021

Spread the love

   “Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino”

Isinulat nina: Gng. Arianne Manlangit at Bb. Cherry Ann Sibayan

Ang Buwan ng Wika ay panahong nagpapaalala sa bawat indibidwal ng kahalagahan ng wikang Filipino. Ito ay taunang ipinagdiriwang sa buong bansa bilang simbolo ng pagmamalaki at pagpapahalaga sa ating sariling wika. 

Tulad nga ng sinabi ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na minsang nagbigay-diin sa kahalagahan ng pambansang wika, Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda. Ang mga katagang ito ay maiuugnay sa tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto 2021:  “Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino. Ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino, ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay pakikiisa sa 2021 Quincentennial Commemorations in the Philippines (2021 QCP) na nakatuon sa mahahalagang pangyayari sa bansa sa nakalipas na 500 taon partikular na sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 103 na mahigpit na nagtatagubiling ang mga pagdiriwang ay nararapat na maging “Filipino-centric” na nararapat na sumasalamin sa Pilipinong pananaw at nagbabantayog sa pag-unawa at damdamin ng pagmamalaki sa ating mga ninuno at mayamang pamanang kultural sa porma ng panitikan, wika, mga sining, at iba pang manipestasyong kultural. Nararapat ding bigyang- diin nito ang Pilipinong identidad at kahalagahan ukol sa pagkakaisa, kahinahunan, at kalayaan. 

Ang pandemyang nararanasan sa kasalukuyan ay hindi naging balakid upang hindi ipagdiwang ang Buwan ng Wika. Bilang pakikiisa sa pagdiriwang na ito, ang Kagawaran ng Filipino sa Mababang Paaralan ng Immaculate Conception Academy ay naghanda ng mga birtuwal na gawain at programa. Ito ay isa sa mga paraan upang sariwaing muli ang ating pagka-Pilipino at pahalagahan ang ating sariling wika gayundin ang mga tradisyon na bahagi ng ating mayamang kultura bilang sambayanang Pilipino.

 Bilang hudyat ng pagsisimula ng pagdiriwang, nagkaroon ng bugtungan sa oras ng Advisory Period sa tulong ng lahat ng mga gurong-tagapayo noong ikatlong siklo mula ika-2 hanggang ika-10 ng Agosto. Ang ginawang bugtungan ay nagbigay kasiyahan sa mga mag-aaral at nagpatalas din ng kanilang mga isipan. Sa buong siklo ring ito ginawa ang iba’t ibang mga gawain sa klase sa oras ng Filipino mula sa ikalawa hanggang sa ikaanim na baitang. Ilan sa mga interaktibong gawain ay  pag-awit ng mga awiting bayan sa ikalawang baitang,  Patinikan sa Panitikan sa ikatlong baitang, Patalasan sa Talatinigan sa ikaapat na baitang, Tagis-Talino sa ikalimang baitang at Iispel Mo sa ikaanim na baitang. 

Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay binigyang-halaga rin ang ika-85 anibersaryo ng pagkakatatag ng paaralang Immaculate Conception Academy. Nagbalik-tanaw ang mga mag-aaral sa buhay ni Venerable Mother Delia Tetreault. Sa ikalawang baitang ay pinanood ng mga mag-aaral ang malikhaing pagkukuwentong likha ng mga librarians na pinamagatang Sila Rin Ay Aawit (Isinalarawang Buhay ni Delia Tetreault). Ang malikhaing pagkukuwento ng buhay ni Mother Delia ay malugod na isinagawa naman ni Gng. Raquel Lim Banzuela sa ikatlong baitang. Si Gng. Banzuela ay isang alumna ng paaralang ICA at magulang din ng isa sa mga mag-aaral sa ikatlong baitang. Ibinahagi rin ng mga guro ng Filipino ang kuwento ng buhay ni Mother Delia sa mga mag-aaral sa ikaapat na baitang. Nagpakita naman ng husay sa pagbuo ng mensaheng inspirasyonal para sa mga madre ng Missionaries of Immaculate Conception o MIC ang mga mag-aaral sa ikalimang baitang. Ang pagiging malikhain ay ipinakita rin ng mga mag-aaral sa ikaanim na baitang sa pamamagitan ng pagbuo ng islogan na may kaugnayan sa ika-85 anibersaryo ng ICA kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Ang mga nabanggit na gawain ay nagpatunay sa malayang pagpapahayag ng mga mag-aaral ng kanilang kaalaman sa paggamit ng wikang Filipino gayundin ang kanilang pagmamahal at pasasalamat sa ICA at sa mga madre ng MIC. 

Nagkaroon din ng Banal na Misa na ginanap noong ika-6 ng Agosto sa pamumuno ni Padre Manuel Flores ng Kapisanan ni Hesus. Ginamit ang wikang Filipino para sa birtuwal na pagdiriwang ng Banal na Misa at ang mga panalangin at pagbasa ay pinangunahan ng mga guro ng Filipino.

Sabay-sabay namang nanood ang buong departamento ng birtuwal na programang pinagsikapang ihanda ng Kagawaran ng Filipino. Ang pambungad na panalanging “Awit ng Misyon” ay pinangunahan ng mga piling mag-aaral mula sa ikatlong baitang. Sinundan ito ng pagbati at pagbibigay ng mensahe gamit ang iba’t ibang wika ng Pilipinas ng ilang mga kawani at guro. Sa tulong naman ng mga piling mag- aaral mula sa ikatlo hanggang ikaanim na baitang, naipaliwanag nang maayos ang tema ng Buwan ng Wika ngayong taon. Pinukaw rin ng mga piling mag-aaral sa ikalawang baitang ang damdamin ng bawat manonood sa kanilang pag-awit sa saliw ng Ako’y Isang Pinoy. Maraming natutuhang mga bagong kaalaman ang lahat na may kinalaman sa wikang Filipino sa bahaging Filipiknows na pinangunahan ng piling mag-aaral ng ikalawa hanggang ikaapat na baitang. Naantig naman ang damdamin ng mga manonood nang ipamalas ni Camryn Siy ng 6-Sincerity ang kanyang husay sa pagtugtog ng piyano upang maiparinig ang isang katutubong musika. Bahagi rin ng programa ang masayang pagbabahagi ng ilang magulang ng kanilang mga karanasan sa paggamit ng wikang Filipino sa kanilang mga tahanan. Nagpakita rin ang mga mag-aaral sa ikaapat na baitang ng kanilang talento sa pagsayaw ng Alitaptap Dance. Ang mga mag-aaral mula sa ikalima at ikaanim na baitang ay naghandog rin ng tulang may pamagat na “Wika at Ikaw” na likha ni Bb. Joanalie Pablo. Sa pamamagitan ng awiting “Bagong Umaga”, ipinaalala ng mga guro mula sa iba’t ibang asignatura na tunay ngang may bagong umagang parating para sa mga Pilipino sa kabila ng mga pagsubok na nararanasan. Ang programa ay mas lalong naging kasiya-siya dahil sa mga  aktibong tagapagpadaloy na sina Seanrae Ysabel Park ng 6-Humility at Erin Natalie Castillo ng 6-Serenity. Bilang pagtatapos ng programa, nagbigay rin ng pasasalamat at mensahe si Gng. Mary Anne Ceniza, puno ng Kagawaran ng Filipino sa Mababang Paaralan. 

Noong ika-24 ng Agosto ay sabay-sabay namang nanood ng isang pelikulang Pilipino ang mga mag-aaral mula sa ikalawa hanggang sa ikaanim na baitang.  Pinanood ng mga guro at mga mag-aaral ang kauna-unahang full-length animated movie ng Pilipinas na pinamagatang Dayo (Sa Mundo ng Elementalia). At upang mas maging kasiya-siya ang panonood, isinabay ng mga mag-aaral at mga guro ang pagkain ng mga meryendang Pilipino tulad ng puto, kutsinta, bibingka at iba pa habang nanonood ng pelikula.

Maliban sa mga gawaing inihanda para sa mga mag-aaral, naghanda rin ng mga interaktibong gawain ang Kagawaran ng Filipino para naman sa mga guro at kawani ng paaralan. Naglaro ng bugtungan at palaisipan ang mga guro sa kanya-kanyang baitang sa pangunguna ng mga guro ng Filipino. Nagkaroon din ng patimpalak sa pagsusuot ng katutubong kasuotang Pilipino na tinawag na Mga Lakambini ng ICA na nilahukan ng ilang kawani at guro. 

Sa kabila ng mga pagsubok dulot ng nararanasang pandemya, isang matinding hamon ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong taon ngunit naging matagumpay ito sa pangunguna ng Kagawaran ng Filipino. Pinatunayan ng lahat na kahit ang ating pag-aaral sa kasalukuyan ay sa pamamaraang Online Distance Learning, masasabing ang lahat ay taos-pusong nagpakita ng suporta sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. 

Tunay ngang sa maraming paraan, ang wika ay sumasalamin sa ating kultura. Ang wika ay nagbibigay-daan sa pagkakaroon ng epektibong komunikasyon at pagkakaintindihan ng bawat indibidwal, tayo man ay magkakasama nang pisikal o birtuwal. Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay nagpapaalala sa ating lahat na patuloy na tangkilikin at mahalin ang sariling atin – ang ating wika, ang ating kultura, ang ating lahi. 

Mabuhay ang wikang Filipino! Mabuhay ang mga katutubong wika sa Pilipinas!

No Comments

Post A Comment

Call Now Button