Ang Simula ng Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2018 - Immaculate Conception Academy
ICA Greenhills is a non-stock, non-profit elementary and secondary school owned and directed by the Missionary Sisters of the Immaculate Conception (MIC).
Buwan ng Wika
17549
post-template-default,single,single-post,postid-17549,single-format-standard,ajax_fade,page_not_loaded,,qode-title-hidden,qode-theme-ver-12.1,qode-theme-bridge,wpb-js-composer js-comp-ver-6.7.0,vc_responsive

Ang Simula ng Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2018

Spread the love

Ni: Gng. Mary Anne Ceniza

                 Opisyal na ipinasya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na ang tema ng Buwan ng Wika para sa taong 2018 ay “Filipino: Wika ng Saliksik.” Ang tema ay kumikilala sa wikang Filipino bilang midyum sa paglikha at pagpapalaganap ng pambansang karunungan at kaunlaran. Sa pamamagitan ng tema, layon ng KWF na palaganapin ang wikang Filipino sa iba’t ibang larangan ng karunungan tulad ng agham, medisina, matematika at teknolohiya.

                Sa ating paaralang Immaculate Conception, naging tradisyon na ng Kagawaran ng Filipino sa Mababang Paaralan na bumuo ng mga gawaing naaayon sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Ito ang isa sa mga paraan ng Kagawaran ng Filipino upang bigyang halaga ang ating sariling wika gayundin ang mga tradisyon at kultura ng ating bansa.

                Ang paglulunsad sa Buwan ng Wika ay nagsimula noong Agosto 3, 2018 sa pamamagitan ng Banal na Misa na ginanap sa DTASC habang ang mga mag-aaral naman sa Ikalawang Baitang ay nagsagawa ng prayer service sa Primary Assembly Area sa pamumuno ng mga gurong sina Gng. Jesusa Dineros at Bb. Arianne Sandoval.  Ang Banal na Misa ay pinamunuan ni Padre Manny Flores ng Kapisanan ni Hesus. Ginamit ang wikang Filipino sa mga panalangin at awitin. Ito rin ang naging paglulunsad ng proyektong Pondo ng Pinoy bilang isang paraan ng simbahang Katoliko upang maipamalas ang pagmamahal sa kapwa sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan. Muling hinikayat ang mga mag-aaral, mga guro at mga kawani ng buong departamentong magbigay ng tulong sa mga mahihirap sa paraan ng pag-iipon ng mga barya at paghuhulog nito sa mga botelya ng Pondo ng Pinoy.

                Bilang pagsisimula ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, nagkaroon din ng maikling programa pagkatapos ng misa. Ito ay pinagsikapang ihanda ng buong Kagawaran ng Filipino sa pamumuno ni Gng. Mary Anne Ceniza sa tulong ng konsepto at ideya ng mga kasamang gurong sina Bb. Catherine Deocareza at Bb. Daisy Lyn Villanueva. Sa pambungad na pananalitang ibinigay ng prinsipal na si Bb. Shirley Tan, kanyang ipinaalala sa lahat ang kahalagahan at kagandahan ng wikang Filipino. Ipinakita rin sa video ang mga mag-aaral ng Ikalawang Baitang na nagpaliwanag kung paano nagagamit sa pananaliksik sa iba’t ibang propesyon ang wikang Filipino. Nagpamalas din ng husay sa pagsayaw ang mga miyembro ng club na Higawi sa saliw ng tugtuging “Piliin mo ang Pilipinas”. Sa paraang ito ay hinikayat ang mga mag-aaral na tangkilikin ang mga produktong Pilipino gayundin ang mamasyal sa mga magagandang lugar sa Pilipinas. Nasiyahan din ang lahat sa presentasyon ng labing-apat na mag-aaral na mistulang mga lakambini ng paaralan. Suot ng bawat isa ang damit na nagpapakita ng pista o selebrasyon sa iba’t ibang panig ng bansa tulad ng pista ng Sinulog ng Cebu, Panagbenga ng Baguio, Wattah Wattah ng San Juan, T’nalak ng South Cotabato at iba pa. Nakatutuwang marinig ang mga mag-aaral na bumabati gamit ang iba’t ibang dayalekto sa Pilipinas tulad ng Chavakano, Cebuano, Bikolano, Waray at iba pa. Isang awitin naman ang inihandog ng mga gurong sina Bb. Framela Jalbuena at Bb. Allyson Mae Cleofas, kasama ang mga piling mag-aaral sa Ikaapat na Baitang. Sa kanilang awitin ay ipinaalala sa lahat na magtatagumpay ang lahat ng mga Pilipino basta may pagkakaisa, pagtutulungan at pagmamahal sa bayan.

                Nang matapos ang programa ay lubos ang kasiyahan ng lahat at muling naisapuso ang pagmamahal at pagpapahalaga sa ating pambansang wika, ang wikang Filipino – Wika ng Saliksik!

 

 

 

No Comments

Post A Comment

Call Now Button